Wednesday 26th of June 2013
BAYAN NG TULUNAN, North Cotabato, Hunyo 25 (GNN) – Itinalaga na noong isang araw ang Joint Task Force (JTF) na binubuo ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) sa mga lugar na madalas naaapektuhan ng kaguluhan sa tri-boundaries ng Maguindanao, North Cotabato, at Sultan Kudarat.
Ang task force ay bubuuin ng mga elemento mula sa 1002nd Brigade ng Philippine Army at sa Regional Mobile Group sa Soccsksargen region. kabilang din sa task force ang mga miyembro ng Regional Joint Peace and Security Coordinating Committee (RJPSCC) na ikakalat sa Barko-Barko, isang dating peace zone na matatagpuan sa tri-boundary.
Nabatid na ang nabanggit na lugar ay okupado ng mga rebeldeng miyembro ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) at inaangkin ito bilang parte ng kanilang defense perimeter. Sa report ang RJPSCC ay kinabibilangan ng ng mga representante ng Coordinating Committee on the Cessation of Hostilities (CCCH), International Monitoring Team (IMT), AFP, PNP, at ng MILF.
Pangunahing gawain ng grupo ay ang imonitor ang anumang paglabag sa ipinatutupad na ceasefire.
Sa panayam kay Tulunan Municipal Mayor Lani Candolada gagawan ng paraan ng pamahalaan ang pagresolba sa mga isyu tulad boundary conflict sa mga bayan sa North Cotabato, Maguindanao at Sultan Kudarat.
Kaugnay nito, pinangangasiwaan na ng Department of the Environment and Natural Resources (DENR 12) ang usapin sa political boundaries kung saan gagawing basehan ang Law on Creation ng bawat bayan.
Inihayag ni Candolada na mayroon ding problema sa pag-iisyu ng Certificates of Land Ownership Awards (CLOAs) na kailangan namang pagtuunan ng pansin ng Department of Agrarian Reform sa Rehiyon Dose.
Umaasa ang opisyal na sa presensya ng RJPSCC ay huhupa ang tensyon sa lugar.
Matatandaang, simula noong Mayo 25 nitong taon, abot sa 200 pamilya ang lumikas mula sa mga barangay ng Maybula at New Bunawan sa Tulunan at mahigit 100 pamilya naman mula sa kalapit na bayan ng Columbio sa Sultan Kudarat dahil sa kaguluhan sa pagitan ng MILF at mga miyembro ng Barangay Peacekeeping Action Team (BPAT).
Nauuna nang naisend off ang joint force noong a 24 nitong buwan na dinausan pa nang maikling programa sa Barangay Maybula, bayan ng Tulunan.(Ronald Padojinog/GNN news)